
Pinalalawak ng Social Security System (SSS) at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang social security protection para sa tinatayang 1.5 milyong freelancer at virtual assistant sa bansa.
Kasunod ito ng paglagda ng dalawang ahensiya sa memorandum of understanding noong Oktubre 21, 2026, na naglalayong hikayatin ang mga freelancer na magparehistro bilang self-employed members ng SSS.
Sa ilalim ng kasunduan, maaari silang maging kwalipikado sa sickness, maternity, disability, retirement, funeral at death benefits, gayundin sa mga loan program gaya ng salary loan at Emergency Loan.
Saklaw din nito ang Employees’ Compensation Program para sa mga sakit, kapansanan o pagkamatay na may kaugnayan sa trabaho.
Ayon kay SSS President at CEO Victor Alfonso Limlingan, layunin ng programa na mapalawak ang kaalaman at pagiging miyembro ng mga online worker alinsunod sa Social Security Act of 2018.
Sa kasalukuyan, nasa 15 porsiyento ang contribution rate ng SSS, habang nagsisimula sa P760 ang buwanang kontribusyon ng mga self-employed member.










