
Posibleng sumipa nang dalawa hanggang tatlong piso kada litro ang madadagdag sa presyo ng gasolina sa unang linggo ng Nobyembre, habang inaasahan naman ang rollback sa diesel at kerosene.
Batay sa final estimates mula sa oil industry sources ngayong Sabado, October 31, posibleng tumaas nang ₱2 hanggang ₱3 kada litro ang gasolina, habang bababa naman nang 50 sentimos hanggang ₱1.50 ang diesel at ₱1 hanggang ₱2 kada litro ang kerosene.
Kung matutuloy, magiging unang linggo ito ng pagtaas ng presyo ng gasolina matapos ang dalawang magkasunod na rollback, habang mapuputol naman ang dalawang sunod na linggo ng pagtaas sa diesel.
Mababatid na mula nang magsimula ang BER months noong September 1 hanggang October 27, umabot na sa ₱13.58 kada litro ang net increase sa gasolina, ₱12.55 sa kerosene at ₱6.40 naman sa diesel.
Lunes, ilalabas ng Department of Energy (DOE) ang final price adjustment na ipatutupad sa Martes, November 3.










