
Hindi uurong sa kaniyang tungkulin si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin sa gitna ng panawagan ng ilang grupo na magbitiw siya sa puwesto dahil sa umano’y pagkabigo ng ahensya na matugunan nang maayos ang mga suliranin sa sektor ng enerhiya.
Ayon kay Garin, nauunawaan niya ang panawagan ng mga grupo dahil nagpapakita lamang ito ng pagmamalasakit ng publiko sa kalagayan ng enerhiya sa bansa.
Giit ng kalihim, patuloy niyang gagampanan ang kaniyang tungkulin habang nasa puwesto sa ilalim ng pagtitiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunman, igagalang niya kung ano man ang magiging desisyon ng Pangulo hinggil sa kaniyang pananatili sa puwesto.
Nanindigan din si Garin na maayos ang pamamalakad ng DOE at ang pagtugon nito sa mga kinakaharap na hamon sa sektor ng enerhiya.
Ipinaliwanag niya na mahalaga ang maagap na pagpaplano sa sektor dahil ang mga hakbang na isinasagawa ngayon ay maaaring magkaroon ng epekto sa susunod na limang taon.
Binigyang-diin din ng kalihim ang patuloy na pagsisikap ng DOE sa mga programa at proyekto, partikular sa eksplorasyon ng mga pinagkukunan ng enerhiya, renewable energy, at iba pang inisyatiba para sa sektor.








