
Pribadong pagbisita ang isinagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ang kanyang pamilya sa puntod ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City noong Oktubre 30.
Kasama ng Pangulo ang kanyang inang si dating First Lady Imelda Marcos, kapatid na si Irene Marcos-Araneta at ilang malalapit na kamag-anak at kaibigan.
Nag-alay ng panalangin at nagsagawa ng pribadong misa ang pamilya bilang paggunita sa dating Pangulo, bago ang Undas.
Naiiba ito sa mga nakalipas na taon kung kailan karaniwang may isinasagawang programa sa Libingan ng mga Bayani na dinadaluhan din ng kanilang mga tagasuporta.
Ibinahagi lamang ng Presidential Communications Office ang mga larawan ng pagbisita kahapon, Nobyembre 1.










