Arestado ang dalawang dayuhan sa isang condominium sa Malate, Maynila matapos umanong manghikayat ng tatlong Pilipina na magtrabaho bilang virtual assistant ngunit sa halip ay pilitin ang mga ito na lumahok sa love scam operations.

Kinilala ang mga suspek bilang isang Taiwanese at ang Malaysian nitong partner. Nasagip naman ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang tatlong biktima na umano’y ilegal na ikinulong sa condominium.

Ayon sa pulisya, nangako ang mga suspek ng sahod na 400 hanggang 500 US dollars kada buwan, bukod pa ang 100 dollars na insentibo para sa perpektong attendance. Ngunit pagdating ng mga biktima sa condominium, pinamemorisa umano ang mga ito ng mga iskrip na ginagamit sa panloloko sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang lokasyon ng mga hub sa Visayas kung saan umano dadalhin ang mga biktima matapos ang pagsasanay, upang masagip ang iba pang posibleng biktima.

Nahaharap ang dalawang dayuhan sa mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, serious illegal detention at grave coercion.

-- ADVERTISEMENT --