Naghain si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ng Senate Resolution 751 upang magkaroon ng malinaw at pormal na patakaran sa matagal at walang awtorisasyong pagliban ng mga miyembro ng Senado.

Sa resolusyong inihain noong Oktubre 27, iginiit ni Sotto na obligasyon ng mga senador sa publiko na gampanan ang kanilang tungkulin.

Aniya, ang pagliban sa trabaho at pagpapabaya sa responsibilidad ay pag-aaksaya sa pondo ng mga nagbabayad ng buwis at nagdudulot ng pagkadismaya sa publiko.

Itinuro rin ni Sotto na walang nakasaad sa kasalukuyang Senate Rules kung paano haharapin ang ganitong sitwasyon, sa kabila ng ilang reklamong inihain na sa Senate Committee on Ethics and Privileges na kaniyang pinamumunuan.

Hinimok niya ang Committee on Rules na repasuhin at magtakda ng mga alituntunin upang mapanatili ang mataas na pamantayan ng serbisyo publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na kung maaaresto si Senador Ronald dela Rosa, maaari siyang dumulog sa mga lokal na hukuman bilang bahagi ng tamang proseso ng batas, bago umabot sa Korte Suprema kung kinakailangan.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi nangangahulugang mapoprotektahan si Dela Rosa laban sa International Criminal Court ang pagdaan sa lokal na korte.

Nananatiling nagtatago ang senador mula pa noong Mayo at tinukoy sa arrest warrant ng ICC bilang umano’y kasabwat sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.