Kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na kasalukuyang nararanasan ang napakalakas na El Niño sa tropical Pacific, na inaasahang magdudulot ng matinding init sa Pilipinas hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis, inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang unang quarter ng 2027 at posibleng marating ang peak nito bago matapos ang 2026.

Inaasahan ding tataas nang hanggang 2 degrees Celsius ang temperatura sa bansa, habang posibleng maging record-breaking ang init mula huling bahagi ng 2026 hanggang unang kalahati ng susunod na taon.

Batay sa climate outlook ng PAGASA, posibleng magdulot ang matagal na tagtuyot ng drought at mas mataas na surface temperature sa buong bansa.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na posible pa ring magkaroon ng tropical cyclones at malalakas na pag-ulan sa kabila ng El Niño.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, umabot na sa mahigit 356,800 Pilipino ang naapektuhan ng El Niño noong Oktubre, batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development.

Matatandaan na tinatayang nasa P8.57 bilyon na ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dulot ng El Niño.

Kaugnay nito, patuloy na naghahanda ang Department of Environment and Natural Resources sa pamamagitan ng paghahanda ng mga water structure at rainwater harvesting system upang makatulong sa pagtugon sa inaasahang kakulangan sa suplay ng tubig.