Posibleng ituloy ng International Criminal Court ang pagdinig para sa confirmation of charges laban kay Senator Bato Dela Rosa kahit hindi pa siya nadadakip.

Ayon kay ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, maaari umanong isagawa ang naturang pagdinig kahit wala sa korte ang akusado, basta’t may abogadong kakatawan sa kaniya at aprubado ito ng mga hukom ng Pre-Trial Chamber.

Ibinigay ni Conti bilang halimbawa ang kaso ni Ugandan warlord Joseph Kony, na sumailalim sa confirmation of charges hearing noong Setyembre 2025 kahit hindi pa rin natutukoy ang kaniyang kinaroroonan.

Sa ilalim ng Rome Statute, maaari umanong isagawa ang pagdinig nang wala ang akusado kung hindi ito matagpuan o pinipilit umiwas sa pag-aresto.

Samantala, nananawagan na ang kampo ng mga biktima ng war on drugs sa pamahalaan na ipatupad ang arrest warrant ng ICC laban kay Dela Rosa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni ICC Common Legal Representative for Victims Atty. Gilbert Andres, panahon na upang patunayan ng gobyerno na kumikilos ito sa mga kasong may kaugnayan sa pananagutan sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Iginiit din ni Andres na may umiiral na batas sa bansa na maaaring maging batayan ng pagkilos ng pamahalaan.

Nanindigan naman si Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa na walang sapat na legal na batayan upang arestuhin at isuko ang senador sa ICC nang walang kaukulang proseso sa mga korte sa Pilipinas.

Aniya, ang paggamit ng salitang “may” sa naturang probisyon ay nagbibigay lamang ng diskresyon sa pamahalaan kung isusuko o hindi ang isang suspek sa international court.