
Bumaba sa 2.16 milyong metriko tonelada ang kabuuang imbentaryo ng bigas sa bansa nitong Oktubre 1, mas mababa ng 8.3% kumpara sa 2.35 milyong metriko tonelada sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, mas mataas ito ng 13.2% kumpara sa 1.91 milyong metriko tonelada na naitala noong Setyembre.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 38% ang nakaimbak na bigas sa mga bodega ng National Food Authority at 15.3% naman sa mga kabahayan. Samantala, tumaas ng 12.6% ang stocks sa sektor ng komersiyo.
Sa kabuuang imbentaryo, 49.8% ay mula sa komersiyal na sektor, 37.3% sa mga kabahayan at 12.9% sa mga bodega ng NFA.
Samantala, umakyat sa 996,810 metriko tonelada ang imbentaryo ng mais, mas mataas ng 17.7% kumpara sa 846,810 metriko tonelada noong Oktubre 2025.
Sa kabila nito, bumaba ang produksyon ng palay at mais sa ikatlong quarter ng taon. Iniugnay ng Department of Agriculture ang pagbaba ng produksyon ng mais sa epekto ng El Niño, habang ang paghina ng ani ng palay ay dulot din ng pagliit ng lawak ng mga lupang naani.










