
Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng dalawang lalaki na natagpuang patay sa isang masukal na bahagi ng Barangay Capissayan Norte, Gattaran, Cagayan.
Kinilala ang mga biktima na sina Johnny Agarpao, 52-anyos, isang Barangay Kagawad ng San Miguel, Baggao, at Jefferson De Leon, 30-anyos, residente ng Barangay Lasilat, Baggao.
Batay sa imbestigasyon, natagpuan ang mga bangkay dakong alas-4:30 ng hapon noong Nobyembre 7 ng isang magsasakang nagpapastol ng kalabaw. Natagpuan naman ang ikalawang bangkay may 35 metro ang layo mula sa una.
Isinailalim sa crime scene processing ang lugar bago dinala ang mga labi sa Dr. Tomas Nolasco Hospital para sa post-mortem examination.
Sa ngayon, hinihintay ang resulta ng awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon at backtracking operation ng pulisya upang matukoy ang motibo at mga nasa likod ng krimen.










