
Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na alisin sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon ang dalawang saksi na nag-uugnay kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kampanya kontra droga.
Sa mosyong inihain ni Duterte’s counsel Peter Haynes, iginiit na nakabatay umano sa mga sabi-sabi, hearsay at impormasyong nakuha sa media ang testimonya ng mga saksi na kinilalang P-1334 at P-1348.
Ayon sa depensa, wala umanong direktang kaalaman ang mga ito sa mga desisyon at operasyon noong administrasyon ni Duterte. Kinuwestiyon din ang kanilang mga pahayag hinggil sa umano’y target lists, killing quotas at financial rewards sa drug war.
Hiniling din ng depensa na huwag gamitin ang mga bahagi ng testimonya na tumatalakay sa mga alegasyon laban kay Duterte, kabilang ang kaugnayan niya sa Davao Death Squad at drug cartels.
Wala pang inilalabas na desisyon ang ICC Trial Chamber III sa kahilingan ng prosekusyon na tanggapin ang mga naunang naitalang testimonya ng dalawang saksi.
Nakatakdang humarap sa paglilitis si Duterte sa ICC sa Nobyembre 30, 2026, kaugnay ng tatlong bilang ng crimes against humanity.










