Nagtamo ng malalim na sugat sa leeg ang isang 31-anyos na babae matapos saksakin umano ng kaniyang 36-anyos na pinsan nang tanggihan ang hinihinging pakikipagtalik kapalit ng ₱200,000 na uutangin nito sa Pulilan, Bulacan.

Ayon kay Pulilan Municipal Police Station OIC Lt. Col. Eric Cister, naganap ang insidente noong Nobyembre 5 sa parking lot ng isang mall kung saan nagkita ang dalawa.

Nauwi sa pagtatalo ang usapan matapos umanong hilingin ng suspek na makipagtalik muna sa biktima bago ipahiram ang pera. Nang tumanggi ang babae, nagkaroon sila ng pisikal na komprontasyon at nilaslas umano ng suspek ang leeg nito, na kinailangang tahiin nang hindi bababa sa 15 beses.

Nang mamagitan ang isang mall security guard, pinaharurot ng suspek ang sasakyan habang kasama ang duguang biktima. Nakarating sila hanggang Kennon Road sa Baguio City kung saan naubusan ng gasolina ang sasakyan.

Nakatakas ang biktima at nakahingi ng tulong nang umalis ang suspek upang maghanap ng gasolina.

-- ADVERTISEMENT --

Sumuko ang suspek sa Pulilan Police noong Nobyembre 7 matapos makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa kaniyang pamilya. Tumanggi naman itong magbigay ng pahayag at pinili ang manahimik.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong frustrated murder, acts of lasciviousness at abduction. Ligtas na rin at nakalabas na ng ospital ang biktima.