
Nakapagtala ng record-breaking na 7.6 litro ng breastmilk ang 66 na nagpapasusong ina mula sa bayan ng Amulung, Cagayan, sa isinagawang Milk-Letting and Health Education Drive nitong Nobyembre 10, 2026 sa Barangay Anquiray.
Umabot sa 7,615 milliliters ang kabuuang nakolektang breastmilk, na pinakamataas na volume na naitala sa mga community-based milk-letting activity sa nasabing bayan mula nang ilunsad ang programa noong Nobyembre 25, 2025, kung kailan nakalikom ng 4,300 milliliters.
Nahigitan din nito ang 4,137 milliliters na nakolekta sa nakaraang aktibidad noong Agosto 18, 2026.
Ito na ang ikaapat na Milk-Letting and Health Education Drive sa Amulung na pinangunahan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), sa pamamagitan ng Public Health Unit–Health Education and Promotion Office at Human Milk Bank, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Amulung sa pamamagitan ng Rural Health Unit at Rotary Club of Tuguegarao.
Una rito, nakapagtala rin ng record breaking matapos na makakolekta ng 16,148 milliliters o mahigit 16.1 litro ng breastmilk ang mahigit isang daang nagpapasusong ina sa Gattaran, Cagayan, nitong Oktubre 20, 2026.
Layunin ng mga naturang aktibidad na itaguyod ang pagpapasuso o breastfeeding, hikayatin ang donasyon ng breastmilk at palakasin ang kalusugan ng mga ina at bata sa mga komunidad.
Binigyang-diin naman ni Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief ng CVMC, ang kahalagahan ng pagbabahagi ng breastmilk upang makatulong sa kapwa nagpapasusong ina at matiyak ang sapat na nutrisyon at kalusugan ng mga sanggol, partikular sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.
Samantala, kinilala rin ang CVMC dahil sa kahusayan at patuloy na pagsisikap nito sa pagtataguyod at pagsuporta sa breastfeeding.
Iginawad ang pagkilala sa ospital sa isinagawang First Regional Nutrition and Breastfeeding Summit dito sa Tuguegarao City.
Tumanggap ang CVMC ng Plaque of Recognition dahil sa mahusay na pagsunod at pagpapatupad nito sa mga pamantayan ng Mother-Baby Friendly Health Facility Initiative o MBFHI, partikular sa matagumpay na implementasyon ng Ten Steps to Successful Breastfeeding.
Ginawaran din ang ospital ng Excellence Award matapos matugunan ang mga pamantayan ng Mother-Baby Friendly Health Facility Initiative at Mother-Baby Friendly Workplace, bilang pagkilala sa pagbibigay nito ng dekalidad, ligtas at nakasentro sa pangangailangan ng mga pasyente na serbisyong pangkalusugan.
Tinanggap nina Dr. Roda Uy, Chairperson ng Lactation Management Committee, at Dr. Jerome Wangdali, Chairperson ng Mother-Baby Friendly Hospital Initiative Committee, ang mga parangal bilang kinatawan ng CVMC.
Kinilala rin ang tatlong pasilidad ng ospital dahil sa paglalaan ng espasyo para sa mga inang nagpapasuso, kabilang ang Outpatient Department Breastfeeding Room, Neonatal Intensive Care Unit Breastfeeding Room at Milk Bank Breastfeeding Room.
Ayon kay Dr. Antonio na bahagi ang mga pagkilalang ito ng patuloy nitong pagsisikap na lumikha ng isang pasilidad na angkop at sumusuporta sa pangangailangan ng mga ina at sanggol, gayundin sa pagsusulong ng ligtas at wastong pagpapasuso.










