
Nagbabala si Senate impeachment court Presiding Officer Francis Escudero sa mga testigo na maaari silang maharap sa contempt kapag nagsisinungaling o hindi nagpapakita ng paggalang sa hukuman sa ika-41 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig, hindi matiyak ni Samal City Assessor John Kenneth Enumerables kung ang ari-ariang binili ni Manases Carpio, asawa ng bise presidente, noong 2013 ay siya ring nakasaad sa kanilang joint Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN. Hindi aniya nakalagay sa SALN ang Transfer Certificate of Title o TCT ng naturang lupa.
Samantala, kinumpirma ni Davao City Accountant Vingelin Bajan na nakatanggap si Duterte ng ₱64,194.72 noong Enero 2023 bilang salary differential mula sa kaniyang panunungkulan bilang alkalde noong 2020 at 2021.
Kinuwestiyon din ng prosekusyon ang dating ugnayan ni Bajan sa Ampil, Elises, Ciudadano & Co., CPAs, na iniugnay sa mga negosyong konektado sa bise presidente at sa kaniyang asawa. Kalaunan, inamin ng testigo na naging partner siya sa naturang accounting firm bago umalis noong 2015.
Bukod dito, naghain ng usapin ang magkabilang panig hinggil sa umano’y paglabag sa sub judice rule dahil sa mga pahayag ni Duterte at ng kaniyang tagapagsalita na kumukuwestiyon sa integridad ng impeachment proceedings. Sinabi ng prosekusyon na hihilingin nitong patawan sila ng kaukulang parusa.
Patuloy namang inilalahad ng depensa ang kanilang mga ebidensya kaugnay ng Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa bise presidente.










