
Patay ang presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 sa Isabela City, Basilan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Zamboanga City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni Basilan Governor Mujiv Hataman ang biktima na si Judge Joseph Wee Sit, na inambush habang nasa loob ng kaniyang sasakyan dakong alas-5:25 ng umaga sa Tumaga Putik Road, Barangay Tumaga.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit hindi na naisalba ang kaniyang buhay.
Kinondena ni Hataman ang pagpatay at nanawagan sa mga awtoridad na agad tukuyin at papanagutin ang mga salarin.
Bumuo naman ang Zamboanga City Police Office ng Special Investigation Task Group upang tutukan ang kaso. Kabilang sa mga sisilipin ng imbestigasyon ang mga kasong hinawakan ng hukom.









