
Pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang work immersion program ng mga senior high school student sa pamamagitan ng bagong guidelines na layong mas maihanda ang mga mag-aaral sa aktuwal na trabaho.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 023, s. 2026, mandatory ang work immersion sa Technical-Professional Track, kung saan kailangang kumpletuhin ng mga estudyante ang 320 oras sa isang termino o 540 hanggang 640 oras sa dalawang termino, depende sa kapasidad ng paaralan.
Mananatili namang optional ang work immersion sa Academic Track, ngunit maaari silang sumailalim sa 320-oras na programa o kumuha ng 80-oras na Field Exposure elective. Mayroon ding Arts Apprenticeship para sa mga mag-aaral na nais tuklasin ang mga larangan ng sining.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa mga industry partner para sa posibleng garantisadong employment placement ng mga estudyante. Mas mataas din umano ang tsansang makahanap agad ng trabaho ang mga nagtapos kung mas mahaba ang kanilang immersion period.
Binigyang-diin din ng DepEd na hindi dapat gamitin ang mga estudyante bilang libreng manggagawa. Hindi rin dapat lumampas sa walong oras kada araw at limang araw kada linggo ang kanilang immersion, habang kailangang regular silang kumustahin ng paaralan.
Ipapatupad ang bagong guidelines sa mga pampubliko at pribadong paaralang kabilang sa SSHS pilot implementation sa school year 2026–2027, habang susunod naman ang iba pang senior high school sa 2027.










