
Pinasisiyasat ni Senator Raffy Tulfo ang panukalang paniningil ng P240 border fee sa bawat Pilipinong lalabas ng bansa, kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Tulfo, chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, kailangang busisiin ang naturang plano dahil maaari itong magdagdag sa gastusin ng mga biyahero, partikular ng halos dalawang milyong OFWs.
Sa Senate Resolution 772, iginiit na posibleng sumalungat ang paniningil sa mga pribilehiyong ipinagkakaloob ng batas sa mga OFW at kanilang pamilya.
Nauna nang inihayag ng Bureau of Immigration na pinag-aaralan ang pagpapatupad ng border fee upang makalikom ng pondo para sa paglalagay ng integrated border security platform sa 11 paliparan sa bansa, na tinatayang mangangailangan ng P10.7 bilyon.
Samantala, sa paunang konsultasyon, iminungkahi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ilibre ang mga OFW sa naturang bayarin, alinsunod sa kanilang exemption sa travel tax at terminal fees.









