Tiniyak ng mga grupong manggagawa na magiging mapayapa ang kanilang kilos-protesta at martsa patungong Philippine International Convention Center o PICC sa Pasay City, kasabay ng pagsisimula ng 49th ASEAN Summit ngayong Linggo, Nobyembre 15.

Ayon kay Jerome Adonis, chairperson ng Kilusang Mayo Uno, magsisimula ang kanilang martsa mula Liwasang Bonifacio sa Maynila patungong PICC upang ihayag ang kanilang mga hinaing at panawagan.

Kinuwestiyon din ni Adonis ang panukalang limitahan ang mga kilos-protesta sa mga itinalagang freedom park, iginiit na nais nilang maihatid mismo sa lugar ng summit ang kanilang mga lehitimong kahilingan.

Kabilang sa mga ipinoprotesta ng mga grupo ang lumalalang krisis sa ekonomiya, mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod at kontraktuwalisasyon sa paggawa. Tinutulan din nila ang pagbisita ni US President Donald Trump, partikular ang usapin ng Pax Silica.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police na iginagalang nito ang karapatan ng publiko na magtipon at magpahayag, ngunit hinikayat ang mga raliyista na gamitin ang mga freedom park at sumunod sa mga itinakdang patakaran sa pagsasagawa ng mga pampublikong pagtitipon.

-- ADVERTISEMENT --

Nakaalerto rin ang mga pulis sa ilang lugar sa Metro Manila bilang bahagi ng seguridad sa idinaraos na ASEAN Summit.