Nagpahayag ng kumpiyansa si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa paninindigan ng Estados Unidos na tutuparin nito ang mga obligasyon sa Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) sakaling magkaroon ng paglala ng tensiyon o komprontasyon.

Sa kanyang pahayag sa Manila Dialogue on the South China Sea sa Parañaque City, sinabi ni Teodoro na wala siyang dahilan upang pagdudahan ang suporta ng Washington sa Pilipinas.

Gayunman, iginiit ng kalihim na mahalagang palakasin din ng bansa ang sariling kakayahan sa depensa at katatagan upang mas mahusay na makatugon sa mga hamong pangseguridad.

Ayon kay Teodoro, nagtutulungan ang Pilipinas at Estados Unidos upang maiwasan ang anumang armadong tunggalian, ngunit kailangan ding tiyakin na walang maling inaasahan hinggil sa pagpapatupad ng kanilang kasunduan.

Binigyang-diin din niya na hindi naghahanap ng komprontasyon ang Pilipinas sa mas makapangyarihang bansa, subalit hindi rin nito basta tatanggapin ang anumang unilateral na pagpasok sa nasasakupan nitong karagatan.

-- ADVERTISEMENT --

Nananatili ang pahayag na ito sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa West Philippine Sea at pagsisikap ng Pilipinas na palakasin ang ugnayang pandepensa sa Estados Unidos at iba pang mga bansa.