
Minomonitor ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga online post na tila naghihikayat o nag-uudyok ng karahasan kaugnay ng mga kilos-protesta habang ginaganap sa bansa ang 2026 ASEAN Summit.
Ayon kay CICC Executive Director Renato Paraiso, natukoy na nila ang ilang indibidwal na naglalathala ng mga post na posibleng nagtataguyod o nag-uudyok ng karahasan.
Gayunman, patuloy pa umanong sinusuri ng ahensya ang kredibilidad ng mga naturang post.
Binigyang-diin ni Paraiso na kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng publiko sa malayang pagpapahayag, mapayapang pagtitipon at paghahatid ng hinaing sa gobyerno.
Subalit hindi aniya dapat gamitin ang mga karapatang ito bilang katwiran upang mag-udyok ng karahasan o magbanta sa kaligtasan ng publiko.
Naglabas ng babala ang CICC kasunod ng pagkakaaresto sa mahigit 200 raliyista mula sa Southern Tagalog sa Parañaque City noong Linggo, sa gitna ng pagbubukas ng ASEAN Summit.
Dinala ang mga ito sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, habang iniulat na 19 sa mga nasangkot ay menor de edad. Gayunman, sinabi ng Southern Police District na ang mga menor de edad ay sinagip at hindi inaresto.
Samantala, kinondena ng ilang organisasyon ang pag-aresto at umano’y marahas na dispersal sa mga nagpoprotesta sa Metro Manila.










