Inaprubahan na sa prinsipyo ng House Committee on Women and Gender Equality ang mga panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon batay sa sexual orientation, gender identity, gender expression at sex characteristics o SOGIESC.

Naganap ang pag-apruba noong Nobyembre 11 matapos ihain ni Dinagat Islands Representative Kaka Bag-ao ang mosyon na aprubahan sa prinsipyo ang 11 panukalang batas at bumuo ng substitute bill.

Inaprubahan naman ito ng komite sa pamumuno ni Laguna 1st District Representative Ann Matibag.

Gagamitin bilang working draft ang bersyon ng panukala na umabot sa second reading sa 19th Congress, matapos itong dumaan sa serye ng mga technical working group at pagpupulong ng mga may-akda.

Layunin ng panukala na magbigay ng proteksiyon laban sa diskriminasyon sa mga indibidwal batay sa kanilang SOGIESC.

-- ADVERTISEMENT --