Magpapatuloy ngayong araw ang ika-44 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan inaasahang maghahain ng testimonya ang apat na testigo ng kanyang depensa kaugnay sa operasyon at mga dokumento ng Cale88 Foods Corporation.

Kabilang sa mga nakatakdang tumestigo si Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting PH tungkol sa Anti-Money Laundering Act, gayundin si Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino Rodolfo hinggil sa pagpaparehistro ng kompanya sa Board of Investments.

Inaasahan ding magbibigay ng testimonya si Food and Drug Administration Director Pilar Marilyn Pagayunan tungkol sa product registration ng sweetened banana chips ng Cale88.

Huling nakatakdang testigo naman si Rowena Mendoza o kinatawan ng Center for International Expositions and Missions na maglalahad ng mga dokumento at komunikasyon kaugnay ng paglahok ng kompanya sa mga food exposition.

Matatandaang sinabi noon ng Anti-Money Laundering Council na nakatanggap ang Cale88 Foods Corporation ng aabot sa ₱319 milyon na remittance mula sa China at Hong Kong.

-- ADVERTISEMENT --