
Iniharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating vice president at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo sa impeachment trial.
Ipinakita ng defense counsel na si Atty. Mark Vinluan ang SALN ni Marcos kay financial investigator Rainer Dela Fuente at tinanong ang huli tungkol sa nakasaad na business interests ng Pangulo, kabilang ang Araca Resources Corporation at El Paraiso Farms Incorporated.
Ayon kay Dela Fuente, wala siyang nakitang kahina-hinala sa naturang mga deklarasyon at ituturing lamang itong impormasyon na maaaring balikan kung may lumitaw na kaugnay na datos sa kanilang imbestigasyon.
Una namang tinutulan ng House prosecutor na si Atty. Chel Diokno ang pagtatanong dahil wala umano itong kaugnayan sa mga isyung kinakaharap ng bise presidente. Gayunman, pinayagan ito ni Senate impeachment presiding officer Francis Escudero.
Ipinakita rin ang 2022 SALN ni Marcos na nagkakahalaga ng P960.7 milyon, habang umabot naman sa P1.1 bilyon ang kabuuang idineklarang yaman niya sa 2023 SALN.
Samantala, iniharap din ang SALN ni Robredo na nagpapakita ng pagmamay-ari nito ng mga sapi sa Meralco. Sinabi rin ni Dela Fuente na wala siyang nakikitang kahina-hinala sa naturang deklarasyon.










