
Natukoy ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 70 social media posts na umano’y naghihikayat sa publiko na lumahok sa mga protesta at magsagawa ng karahasan.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, tinutukoy na ng Anti-Cybercrime Group ang mga indibidwal o grupong nasa likod ng mga naturang post.
Kabilang sa mga mensaheng namonitor ang panawagang magtipon sa lansangan, sumali sa mga demonstrasyon, patalsikin ang ilang opisyal ng pamahalaan at gumamit ng karahasan dahil sa umano’y mga pagkakamali ng gobyerno.
Sinabi ni Co na napansin din ng mga awtoridad ang pagkakapareho ng ilang post, kabilang ang paggamit ng magkakatulad na bantas at pagitan ng mga salita, na posibleng nagpapahiwatig na nagmula ang mga ito sa iisang source.
Patuloy namang sinusuri ng PNP ang mga posibleng paglabag sa batas kaugnay ng mga naturang post at bineberipika ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod nito.
Naganap ang pagmomonitor kasabay ng mga protesta sa ASEAN Summit 2026 laban sa Pax Silica initiative at pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas.










