
Binigyang-diin ni Senator Bam Aquino ang pangangailangang maglaan ng sapat na pondo para sa school-based feeding program kasunod ng pagpapatibay ng Senado sa reconciled version ng panukalang National Children’s Nutrition Bill nitong Lunes, Nobyembre 23.
Inilarawan ni Aquino bilang isang malaking reporma ang panukala na layong tiyakin ang pagkakaroon ng masustansyang pagkain para sa lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng panukalang batas, palalawakin ang kasalukuyang feeding program sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Ayon kay Aquino, mahalagang matiyak na may sapat na pondong ilalaan para maisakatuparan ang programa at hindi lamang ito manatili sa papel matapos maging batas.
Ipinaliwanag ng senador na makatutulong ang panukala sa pagtugon sa malnutrisyon at kakulangan sa nutrisyon ng mga bata, gayundin sa mga hamon sa kanilang pagkatuto.
Kapag naisabatas, inaasahang mas maraming batang mag-aaral ang makikinabang sa programa, na naglalayong mapabuti ang kanilang kalusugan at mabigyan sila ng mas magandang pagkakataong matutuo sa paaralan.
Matapos pagtibayin ng Senado ang reconsiled version ng panukala, daraan pa ito sa mga kinakailangang hakbang bago tuluyang maipadala sa pangulo para sa paglagda.










