Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa isang operator ng inDrive matapos ireklamo ang driver nito dahil sa paniningil ng karagdagang ₱39 para sa toll fee nang hindi muna nagpapaalam at humihingi ng pahintulot sa pasahero.

Ayon kay LTFRB acting chairperson Greg Pua Jr., dapat munang ipaalam ng mga driver ng taxi at transport network vehicle service (TNVS) sa kanilang mga pasahero ang paggamit ng expressway at hingin ang kanilang pagsang-ayon bago magkaroon ng karagdagang bayarin.

Binigyang-diin ni Pua na kung hindi sasagutin ng driver ang toll fee, kailangan nitong tiyaking pumayag muna ang pasahero bago dumaan sa toll road.

Nakatakda namang dinggin ang kaso sa Disyembre 9.

Samantala, kinumpirma ng inDrive na sinuspinde na nito ang sangkot na driver alinsunod sa kanilang safety at service standards.

-- ADVERTISEMENT --

Nakipag-ugnayan na rin umano ang kanilang support team sa pasahero at handa silang makipagtulungan sa mga kinauukulang awtoridad.

Muling iginiit ng kumpanya na kailangang hingin ng mga partner driver ang pahintulot ng pasahero bago dumaan sa toll road, dahil nasa pasahero ang pagpapasya kung gagamit ng rutang may karagdagang bayarin.