
Sisimulan ng Department of Education (DepEd) sa Agosto 25 ang pagsasagawa ng active-threat drills sa mga paaralan sa buong bansa bilang paghahanda sa posibleng human-induced threats o mga banta na kagagawan ng tao.
Layunin ng pagsasanay na matiyak ang mabilis na pagresponde, paglikas at ligtas na reunification ng mga estudyante sa kanilang mga pamilya sakaling magkaroon ng insidente ng karahasan sa loob o paligid ng paaralan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, nakumpleto na ng kagawaran ang mga protocol para sa naturang drill katuwang ang Philippine National Police (PNP), matapos ang initial testing nito sa Manila Science High School.
Bahagi rin ng pagsasanay ang reunification stage, kung saan dadalhin ang mga estudyante, magulang, medical responders at pulis sa itinalagang mga lugar upang maiwasan ang kaguluhan at matiyak ang maayos na proseso.
Sinabi ng DepEd na ibinase ang mga protocol sa assessment sa mga nakaraang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City.
Layunin naman ng nationwide drill na matukoy ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng mga protocol sa bawat paaralan at makagawa ng mga kinakailangang hakbang upang higit na mapalakas ang kahandaan at seguridad ng mga mag-aaral at personnel.










