
Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumulong sa humanitarian at repatriation operations kasunod ng paglala ng militar na sitwasyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Department of National Defense (DND) nitong Linggo.
Ayon kay Assistant Secretary Arsenio Andolong, tagapagsalita ng DND, mahigpit na binabantayan ng departamento ang sitwasyon sa Gitnang Silangan, katuwang ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at iba pang kaugnay na ahensya.
Dagdag pa niya, handa ang DND at AFP sa anumang posibleng contingency, kabilang ang repatriation support at koordinasyon para sa krisis ng mga Pilipino sa mga apektadong bansa kung kinakailangan.
Pinayuhan din ni Andolong ang publiko na maging maingat sa maling impormasyon at kinondena ang mga nagpapakalat ng hindi kinakailangang takot. Wala aniya ngayong lehitimong banta sa Pilipinas o sa mga Pilipino at ibang dayuhan sa bansa.
Sa hiwalay na pahayag, tiniyak naman ni AFP spokesperson Colonel Francel Margaret Padilla na handa ang militar na magbigay ng suporta sa utos ng pambansang pamahalaan. Pinayuhan din niya ang publiko na manatiling kalmado at umasa lamang sa opisyal na impormasyon.
Ayon sa Department of Migrant Workers, ligtas naman ang mga Pilipino sa ngayon sa kabila ng pag-atake ng US at Israel sa Iran.










