
Naghain si dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez ng supplemental counter-affidavit sa Ombudsman kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot niya sa anomalya sa flood control projects.
Ayon sa kaniyang mga abogado, kalakip ng counter-affidavit ang mga salaysay ng 25 indibidwal na sinasabing makapagpapabulaan sa alegasyon ng mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na naghatid umano sila ng mga maleta ng pera kay Romualdez at Co.
Kabilang sa 25 ang dating bodyguard na si Orly Guteza, na una nang nag-akusa kay Romualdez ngunit kalaunan ay binawi ang kaniyang pahayag.
Ayon sa kampo ni Romualdez, ilan sa mga naturang testigo ay itinuro ng mga dating bodyguard bilang kasama umano sa mga cash delivery, ngunit itinanggi mismo ng mga ito na nangyari ang naturang paghahatid.
Iniimbestigahan si Romualdez ng Ombudsman sa mga kasong plunder, graft, bribery at money laundering kaugnay ng flood control mess.










