TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba na welcome sa kanya ang desisyon ng Inter-Agency Task Force o IATF na ilagay sa alert level 3 ang lalawigan mula January 9- 15 dahil sa patuloy pagtaas na naman ng kaso ng covid-19.

Sinabi ni Mamba na lagi namang nakahanda ang pamahalaang panlalawigan at lahat ng lokal na pamahalaan sa anumang posibleng sitwasyon kaugnay sa covid-19 dahil sa marami na rin tayong karanasan sa nakalipas na mga taon na naranasan ang malalang kaso ng nasabing sakit.

Gayonman, iginiit ni Mamba na dapat na sumunod sa mga patakaran sa ilalim ng alert level 3 upang matiyak na agad na mapababa o hindi na magkakaroon ng hawaan ng virus.

Sinabi niya na ang higit na dapat na bantayan ay ang lungsod ng Tuguegarao dahil dito ang 50 percent ng kaso ng covid-19 at may dalawang panibagong namatay.

Kasabay nito, binigyan diin ni Mamba na mahigpit nilang ipatutupad ang pagbabawal sa mga mamamayan na walang vaccination card na pumasok sa lalawigan at maging sa mga hindi open spaces na mga establishimento.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office as of 6:00 pm kahapon January 6, may naitalang 111 new cases at apat ang panibagong covid-19 related deaths kung saan ang dalawa ay mula sa Tuguegarao, isa mula Allacapan at ang isa ay mula sa Gattaran.

Sa nasabing bilang, pinakamataas pa rin sa Tuguegarao na may 54 new cases.

Samantala, sa ilalim ng alert level 3, mahigpit na ipinagbabawal ang mga sumusunod:
-Face to face classes(Basic Education)
-Peryahan, playground, playroom, kiddie rides
-Mga venue na may live voice at wind instruments tulad ng Karaoke Bars, Concert Halls, Teatro at mga Bars
-Casino, Karera ng Kabayo, Betting Shops, Sabungan. Maliban na lamang sa mga pinayagan ng Office of the President
-Bawal na rin tumanggap ng bisita o magkaroon ng salu-salo ang hindi magkakasama sa isang bahay.
Pinapayagan naman sa Alert level 3 ang Interzonal at Intrazonal Travel. Subalit muli umanong titingnan ng IATF kung kailangang baguhin ang guidelines dahil mas mataas na ang vaccination rate.
Samantala papayagan naman ng may maximum na 30% indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated at 50% outdoor venue capacity ang operasyon ng mga sumusunod na establisyimento sa mga lugar na nakasailim sa alert level 3:
-Mga venue sa tinatawag na MICE o Meetings Incentives , Conferences at Exhibitions.
-Mga Venue para sa social Events
-Tourists Attractions
-Amusement Parks
-Recreational Venues
-Mga sinehan
-Limitadong face to face classes para sa Higher Education at Tech-voc Education and Training
-Religious gatherings
-Licensure exams
-Dine-in services
-Personal care services
-Fitness studios at non contact sports
-Film, Music at TV productions
Sa ilalim naman umano ng mga patakaran ng IATf, pinapayagan ang dagdag na operating capacity sa mga lugar na mataas na ang vaccination rate pati sa mga establisyimento na mayroon ng safety seal.