Pinaniniwalaan na nagbigti ang isang lalaki sa Tuao, Cagayan.
Ayon sa tala ng Tuao Police Station, agad silang pumunta sa Purok 3, Barangay Mungo nang itawag sa kanila ng isang concerned citizen ang insidente umano ng suicide.
Nadatnan ng mga pulis ang lalaki na kinilalang si Dennis, 44 anyos, may asawa, na nakabitin sa lumang kamalig at wala ng buhay.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, pumunta ang biktima sa kanilang banyo noong hatinggabi ng January 16.
Subalit, kinaumagahan napansin ng kanyang anak na lalaki na wala sa kanilang bahay ang kanyang ama.
Binalewala lamang ito ng anak at pumasok siya sa eskwela.
Sa nasabi ring araw, tumawag ang employer ng biktima sa kanyang kamag-anak at tinanong kung nasaan siya dahil hindi siya pumasok sa kanyang trabaho.
Agad na hinanap naman ng kamag-anak ang biktima sa kanilang bahay subalit hindi niya ito nakita.
Nang dumating ang ama ng biktima, sinabi sa kanya ng kamag-anak na hindi niya makita si Dennis.
Pumunta ang ama sa kamalig na malapit sa bahay ng biktima, kung saan nakita na nakabitin ito gamit ang lubid.
Ayon sa pulisya, ilang buwan bago ang insidente, nasangkot umano sa sugal ang biktima, na nagbunsod sa kanyang depresyon dahil sa kanyang mga utang.
Buhat noon, naging tahimik ang biktima at gustong laging mag-isa.
Ayon naman sa anak ng biktima, buhat nang magkaroon ng mga utang ang kanyang ama dahil sa sugal ay madalas niya itong mapansin na nakatitig sa pader, lalo na kung mag-isa siya sa kanilang bahay.
Nagreklamo din umano ang biktima ng matinding pananakit ng kanyang tiyan subalit tumanggi siyang magpatingin sa ospital.