Bahagyang bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Marso 2026 ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Sa inilabas na Labor Force Survey ng PSA, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na nasa 2.58 million ang bilang ng mga unemployed o walang trabaho noong Marso, mas mababa kumpara sa 2.66 million noong Pebrero.

Katumbas ito ng 5% unemployment rate mula sa mahigit 51 million na kabilang sa labor force ng bansa.

Samantala, bumaba rin ang bilang ng mga employed persons o may trabaho sa 49.07 million mula sa 49.43 million noong nakaraang buwan. Naitala naman sa 12.3% ang underemployment rate o mga manggagawang naghahanap pa ng dagdag na oras o pagkakakitaan.

Ayon naman sa Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda, job-skills matching, at reskilling programs para sa mga manggagawang apektado ng tensyon sa Middle East.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na paiigtingin din ng gobyerno ang pamamahagi ng fuel subsidy at iba pang tulong sa mga transport worker, magsasaka, at mangingisda gamit ang digital platforms tulad ng e-wallets para mapabilis ang ayuda.

Kabilang din sa mga inilunsad ng pamahalaan ang loan payment grace period, agricultural loan deferment, at iba’t ibang financing programs mula sa DOLE, Landbank, at DTI para matulungan ang maliliit na negosyo at manggagawa.

Iniulat din ng gobyerno na mahigit 8,000 OFWs na apektado ng kaguluhan sa Middle East ang napauwi na sa bansa hanggang Abril 28, habang patuloy ang pagbibigay ng livelihood assistance, skills training, at financial aid sa mga ito.