Huli ang anim na indibidwal sa anti-illegal drug buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Tuguegarao Component City Police Station sa Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City noong, Agosto 12.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na sina Ric, 27 taong gulang; Mary, 45 anyos; at Rolly, 30 anyos, pawang mga residente ng Tuguegarao City.
Kasama rin sa mga naaresto sina alyas Ben, 23 anyos; Claro, 45 anyos, na kapwa taga-Pinukpuk, Kalinga; at si Gina, 38 anyos, mula sa Piat, Cagayan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang mga pakete ng hinihinalang shabu, 10 piraso ng aluminum foil na nakatiklop at nakarolyo, tatlong lighter, isang itim na pouch, at ilang plastic sachet na wala ng laman na pinaghihinalaang ginamit sa iligal na aktibidad at P1,000.
Sa isinagawang pagsususri ng Philippine Drug Enforcement Agency sa mga nakumpiskang ebidensya, positibo na ang mga ito ay shabu.
Samantala, nagpositibo sa drug test ang lima sa mga suspek, habang negatibo naman ang isa pa.
Sinampahan na ng kaso na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.