
Nagsimula na ang pamamahagi ng Presidential Assistance for Farmers sa bayan ng Solana, Cagayan na inisyatibo ng Pambansang Pamahalaan sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA) upang tulungan ang mga magsasaka na apektado ng mataas na presyo ng langis, abono, at iba pang gastusin sa produksyon.
Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P2,325 para sa mga magsasakang may sakahan na dalawang ektarya pababa.
Nasa 4,702 magsasaka ang unang batch ng mga nakatanggap kung saan asahan ang susunod pang batches na inaasahang makakatanggap ng tulo0ng pinansyal.
Nilinaw na minsanang tulong lamang ito para sa mga magsasakang sabay na nagtatanim ng palay at mais at tanging mga rehistradong magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) lamang ang makakatanggap.
Bagamat nagpasalamat ang mga magsasaka sa natanggap na ayuda, marami sa kanila ang nagsasabing kulang ito kumpara sa kanilang kasalukuyang pangangailangan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at mababang bentahan ng palay.
Ipinanawagan nila sa gobyerno na sana ay madagdagan ang ayuda, katulad ng P7,000 na kanilang natanggap noong nakaraang taon.
Malaki rin ang pagkabahala ng ilang magsasaka dahil wala ang kanilang pangalan sa listahan ng mga benepisyaryo, kahit pa dati na silang nakatanggap ng tulong at rehistrado sa RSBSA.
Bukod sa pinansyal na ayuda, hiniling din ng mga magsasaka sa mga namumuno ang karagdagang suporta tulad ng mas abot-kayang abono, gasolina, at sapat na irigasyon.
Binanggit rin na bagamat may malalawak na lupain ng palayan ang Solana, marami ang hindi natatamnan dahil sa problema sa suplay ng tubig.
Ang pamamahagi ng ayuda ay isinagawa ng lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Agriculture.










