Nakamit ng American tennis player na si Ann Li ang pinakamalaking panalo sa kaniyang karera matapos patalsikin ang four-time Grand Slam champion na si Aryna Sabalenka sa Wuhan Open sa China noong Miyerkules.

Tinalo ng world number 31 na si Li ang top seed na si Sabalenka sa iskor na 3-6, 6-4, 7-6(5) sa round of 32, matapos makabawi mula sa pagkakahabol sa ikalawang set at mapilit ang deciding set.

Naging dikdikan ang huling set nang makalamang si Li, 4-1, ngunit nakabawi si Sabalenka at nakapagligtas ng limang match point.

Gayunman, hindi nagpadaig si Li at tuluyang nakuha ang panalo sa kaniyang ika-10 match point.

Naging susi sa pagkatalo ni Sabalenka ang kaniyang 44 unforced errors, kumpara sa 28 lamang ni Li, sa loob ng dalawang oras at 27 minutong laban.

-- ADVERTISEMENT --

Sa panalo, umusad si Li sa susunod na round habang patuloy namang naghahanap ng bagong titulo si Sabalenka, na huling nagkampeon sa Indian Wells at Miami ngayong taon.