Patay ang apat na katao sa landslide sa Cagayan de Oro City sa gitna ng pananalasa ng bagyong Basyang, ayon sa Police Regional Office 10 (PRO10).

Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) deputy spokesperson Diego Agustin Mariano, ang mga namatay ay mula sa isang pamilya kabilang ang dalawang adults at dalawang bata.

Ayon sa OCD, nangyari ang landslide sa Barangay Agusan.

Kaugnay nito, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na as of 8 a.m., kabuuang 6,152 na katao o 1,848 families ang apektado ng bagyong Basyang sa Caraga.

Sa kabuuang apektadong papulasyon, 5,847 persons o 1,719 families ang nananatili sa evacuation centers habang 268 individuals o 101 families ang nakituloy sa ibang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Tatlong lugar naman ang iniulat na nawalan ng suplay ng kuryente.

Sinuspindi naman ang operasyon ng 41 seaports sa Western Visayas, Negros Island Region, Caraga, kung saan mahigit 2,000 pasahero ang stranded.

Suspendido rin ang pasok sa mga eskwelahan sa 239 na lugar sa Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, at Caraga, habang walang pasok sa trabaho sa 64 na lugar sa Central Visayas at Caraga.

Ayon sa NDRRMC, may naibigay nang tulong na nagkakahalaga ng mahigit P200,000 sa mga apektadong papulasyon.

Samantala, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa 15 lugar sa Visayas at Mindanao habang kumukilos ang bagyong Basyang sa Bohol Sea.