Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Tel Aviv sa Israel na apat na Pinoy ang nasugatan matapos na magsagawa ng airstrikes ang Iran sa Israel.
Ang mga biktima ay mula sa lungsod ng Rehovot, na nasa 20 kilometro mula sa Tel Aviv.
Naka-high alert ngayon ang Philippine embassy sa gita ng kaguluhan sa nasabing rehion.
Samabtala, tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) nakahanda ito sa mass evacuation ng overseas Filipinos mula sa Israel kung lumala pa ang labanan nito sa Iran.
Sinabi ni DMW Secretary Le Hans Cacdac, na hindi pa ito ang tamang panahon para isagawa ang repatriation, dahil kailangan na magsagawa ng pagsasaayos dito, lalo na at patuloy pa ang putukan sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Cacdac, maaaring alamin ng mga Pinoy sa Pilinas ang kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay na nasa Israel sa pamamagitan ng hotlines ng DMW.
Sinabi rin ni Cacdac na nagtayo na sila ng help desk na may hotlines na naka-post online noong June 14, isang araw matapos magsagawa ng pag-atake ang Israel laban sa Iran.
Ayon kay Cacdac, tinatayang aabot sa 30,000 Pinoy ang nasa Israel, habang nasa 30 naman ang Pinoy sa Iran na karamihan ay nakapag-asawa ng Iranian.
Matapos ang pag-atake ng Israel, nangako ang Iran na gaganti matapos na ituring nilang deklarasyon ng giyera ang ginawang pambobomba sa kanila ng kalabang bansa.