
Patay ang apat na taong gulang na bata, at tatlong iba pa, kabilang ang dalawang pulis ang nasugatan sa shootout sa Calamba City, Laguna kahapon, habang isinisilbi ng mga pulis ang arrest warrant.
Ayon sa ulat, tinangka ng mga pulis ng Laguna na arestohin ang suspek na kinilalang si “Reggie,”, isang wanted sa batas dahil sa kasong homicide.
Patungo ang mga pulis sa pinaghihinalaang safehouse sa Barangay San Cristobal ng alas-11 ng umaga nang pinapatukan sila ng kasama ng suspek na kinilalang si “Romar” gamit ang isang pistola.
Dahil dito, nagkaroon ng palitan ng putok, kung saan dalawang pulis ang nasugatan.
Tinamaan naman ng ligaw na bala ang bata at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Isa ring residente na babae na 52-anyos ang tinamaan ng bala at dinala sa Calamba Doctors Hospital para sa medical attention.
Nagawa naman ng mga pulis na huliin si Romar, subalit nagawang makatakas ang target ng arrest warrant na si Reggie at isa pang kasabwat.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga pulis sa dalawang nakatakas.










