Nanawagan si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa Kongreso na imbestigahan ang sagupaan ng militar at komunistang grupo sa Negros Occidental na nagresulta sa pagkamatay ng 19 katao.

Ang panawagan ay kasunod ng magkaibang bersyon ng Armed Forces of the Philippines at human rights groups hinggil sa nangyaring engkwentro.

Ayon kay Tinio, dapat busisiin ng House Human Rights Committee ang ulat ng militar, lalo na sa alegasyong sibilyan umano ang ilan sa mga nasawi at hindi mga armadong rebelde.

Iginiit niya na dapat matukoy sa imbestigasyon kung sino ang nagbigay ng utos, ano ang mga patakaran sa labanan, kung may ginamit na labis na puwersa, at kung may paglabag sa international humanitarian law at karapatang pantao.

Noong Huwebes, sinabi ng militar na nagkaroon ng “running firefight” sa pagitan ng 303rd Infantry Brigade at mga miyembro ng New People’s Army sa hilagang bahagi ng Negros, kung saan 19 ang napatay.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga nasawi ang isang estudyante mula sa University of the Philippines Diliman, isang mamamahayag, at mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga magsasaka.

Tinawag naman ng grupong Karapatan ang insidente bilang isang “massacre,” at inakusahan ang militar ng paggamit ng labis na puwersa.

Ayon sa Communist Party of the Philippines, hindi bababa sa lima sa mga nasawi ay sibilyan, at posibleng maituring na “war crime” ang insidente.