
Nagdadalamhati ang Ateneo de Manila University at ang Blue Eagles basketball program matapos masawi ang dalawa nitong manlalaro na sina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia sa isang drowning incident sa panahon ng team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Ayon sa paaralan, naganap ang insidente noong hapon ng Hunyo 8, 2026 habang nasa naturang aktibidad ang mga atleta.
Si Adili, 21, ay naglaro para sa Blue Eagles sa UAAP Season 88 kung saan nagtala siya ng averages na 8.4 puntos, 8.3 rebounds, at 1.1 assists sa 11 laro.
Si Baterbonia, 19, ay kumatawan sa Davao sa 2026 Palarong Pambansa at nakatakda sanang maglaro para sa Ateneo sa UAAP Season 89.
Sa ulat ng Police Regional Office 3, lumalangoy umano ang mga biktima nang tangayin sila ng malakas na agos patungo sa mas malalim na bahagi ng tubig.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na iwasan ang haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ang UAAP.




