Nanawagan ang student government ng Ateneo de Manila University para sa transparency at masusing imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang insidente ng pagkalunod sa Aurora noong Lunes.

Sa pahayag ng Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola, nagpahayag ito ng pakikiramay sa mga pamilya, kaibigan, at kasamahan ng dalawang atleta.

Hiniling din nito sa pamunuan ng unibersidad na magbigay ng sapat na suporta sa mga naulila at tiyakin ang pagiging bukas at malinaw ng proseso ng imbestigasyon.

Ayon sa Sanggunian, mahalagang matukoy ang buong pangyayari sa likod ng trahedya sa pamamagitan ng isang masusi at patas na pagsisiyasat na may pananagutan at integridad.

Samantala, humiling naman ng hustisya at masusing imbestigasyon si Rovelyn Baterbonia, ina ni Rene.

-- ADVERTISEMENT --

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng Philippine National Police sa Aurora na wala pang nakikitang senyales ng foul play at itinuturing sa ngayon na aksidente ang nangyari.