
Nagbabala ang Ateneo de Manila University na handa itong magsampa ng legal na aksyon laban sa mga nagpapakalat ng umano’y “hurtful, baseless, and dangerous” na mga tsismis laban sa ilang miyembro ng Blue Eagles men’s basketball team.
Ito ay kasunod ng pagkamatay nina Rene Baterbonia at Divine Adili na nasangkot sa drowning incident sa isang team building activity sa Dipaculao, Aurora dalawang linggo na ang nakalipas.
Ayon sa Ateneo, hindi lamang ang mga student-athlete ang tinatarget ng maling impormasyon kundi pati ang kanilang mga pamilya at buong komunidad ng unibersidad, kabilang ang mga estudyante, guro, at kawani.
Nanawagan ang pamunuan na itigil ang pagpapakalat ng haka-haka at panatilihin ang diskurso na nakabatay sa katotohanan at respeto, lalo na sa gitna ng pagdadalamhati ng komunidad.
Giit pa ng Ateneo, patuloy itong magbibigay ng suporta sa mga apektadong atleta at kanilang pamilya, at kung kinakailangan ay hindi magdadalawang-isip na magsampa ng kaso upang maprotektahan ang kanilang mga miyembro.








