
Nagbigay-pugay ang Ananda Marga Special Academic Institution sa Davao City sa yumaong student-athlete na si Rene Clert Baterbonia, na tinuturing nilang isa sa mga batang pinaghugutan ng inspirasyon ng paaralan matapos ang kanyang biglaang pagpanaw sa isang drowning incident kasama ang isa pang atleta ng Ateneo Blue Eagles.
Ayon sa mga guro at kawani ng paaralan, mula sa Agusan del Sur si Baterbonia at dumaan sa maraming hamon bago makapag-aral sa Davao sa pamamagitan ng scholarship dahil sa kanyang husay sa sports.
Sa kabila ng limitadong kagamitan noon, unti-unti umano siyang nahubog bilang lider at mahigpit na katuwang ng kanyang mga kakampi.
Ikinuwento ng mga nakasama niya sa paaralan na kilala si Baterbonia bilang masipag, mapagkumbaba, at inuuna ang kapwa, kabilang ang pagbabahagi ng kanyang baon sa mga kasamahan sa dormitoryo tuwing kapos sila sa pagkain dahil sa mabigat na training.
Ayon sa mga opisyal ng paaralan, marami pa sana siyang pangarap para sa kanyang pamilya at komunidad, kabilang ang pagbabalik at pagtulong sa kanyang pinanggalingang paaralan.
Iuuwi ang kanyang mga labi sa Talacogon, Agusan del Sur at ililibing sa Hunyo 24.









