Posibleng humarap sa administrative liability ang Ateneo de Manila University kung mapatutunayang may mga paglabag o pagkukulang kaugnay ng pagkamatay ng student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Aurora.

Ito ang sinabi ni Labor and Employment Secretary Francis Tolentino kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa insidente.

Ayon sa kalihim, hindi pa nila pinangungunahan ang resulta ng imbestigasyon ngunit maaaring magkaroon ng kaukulang pananagutan kung mapapatunayang may nilabag na mga patakaran.

Nauna nang nalunod sina Baterbonia at Adili matapos tangayin ng malalakas na alon o rip currents habang nasa team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.

Kaugnay nito, naglabas ng subpoena ang DOLE laban sa dating head coach ng Ateneo Blue Eagles na si Tab Baldwin upang humarap sa imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Tolentino, kung mapatutunayang may paglabag si Baldwin, maaari itong mawalan ng karapatang muling makakuha ng Alien Employment Permit (AEP) at hindi na makapagtrabaho bilang coach sa Pilipinas sa loob ng limang taon.

Dagdag pa niya, maaari ring pagbawalan ang Ateneo na kumuha ng dayuhang coach sa loob ng sampung taon.

Nauna nang nagbitiw sa kanilang mga posisyon sina Baldwin at team manager Epok Quimpo kasunod ng matinding batikos matapos ang trahedya.

Inatasan din ng DOLE si Baldwin na magsumite ng mga dokumentong magpapatunay ng pagsunod sa mga regulasyon, kabilang ang detalye ng safety protocols, supervision arrangements, at iba pang hakbang na isinagawa sa naturang aktibidad.

Bukod dito, sinabi ng DOLE na maaari ring i-refer si Baldwin sa Bureau of Immigration para sa posibleng deportation at iba pang kaukulang aksyon depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.