Inirekomenda ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o CIDG sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act laban sa dating Ateneo men’s basketball head coach na si Tab Baldwin at sampu pang miyembro ng coaching at support staff kaugnay ng pagkamatay ng dalawang manlalaro sa isang team-building activity sa Aurora.

Batay sa imbestigasyon, nalunod sina Rene Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8 matapos umanong sumailalim sa matinding pisikal na aktibidad at isailalim sa mapanganib na kondisyon sa dagat bilang bahagi ng training.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, lumagpas na umano sa simpleng team-building ang isinagawang aktibidad at maituturing na hazing sa ilalim ng umiiral na batas.

Sinabi rin ng CIDG na kabilang sa mga ebidensyang isinumite ang umano’y sapilitang calisthenics, parusa sa mga natalo sa mga aktibidad, at pagpapasok sa mga manlalaro sa dagat sa kabila ng malalakas na alon at rip currents.

Sasailalim naman sa pagsusuri ng DOJ ang rekomendasyon ng CIDG upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pormal na pagsasampa ng mga kaso laban sa mga respondent.

-- ADVERTISEMENT --