Binatikos ng August Twenty-One Movement o ATOM si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pahayag nitong hindi ill-gotten o nakaw sa bayan ang yaman ng kanilang pamilya.

Ayon sa grupo, “untrue” at “fake news” umano ang pahayag ng Pangulo.

Iginiit din ng ATOM na walang miyembro ng pamilya Marcos na nakulong matapos bumagsak ang diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986, sa kabila ng mga kasong isinampa kaugnay ng umano’y nakuhang yaman.

Samantala, sinabi ni Marcos sa isang forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines o FOCAP na napatunayan umano sa ilang civil cases na hindi ill-gotten ang mga ari-ariang pinag-awayan ng kanilang pamilya.

Noong 1997, nagpasya ang Supreme Court na may pananagutan ang pamilya Marcos sa humigit-kumulang ₱23 bilyong estate tax, na naging final at executory noong 1999.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, lumobo na umano sa ₱203 bilyon ang halaga dahil sa hindi pagbabayad at interes.