
Apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ang bumawi sa kanilang mga naunang alegasyon na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at Co sa umano’y pamamahagi ng maletang pera.
Sa kanilang bagong sinumpaang salaysay, sinabi ng mga nagpakilalang security ni Co na hindi umano totoo ang kanilang mga unang pahayag. Ayon sa kanila, pumirma sila noon sa joint affidavit dahil sa pangakong tulong pinansyal at seguridad para sa kanilang pamilya.
Iginiit din ng tatlo sa apat na lalaki na pinilit umano silang lumagda sa unang affidavit na isinumite sa Office of the Ombudsman at hinarap sila sa banta ng mga kaso kung hindi sila susunod.
Gayunman, sinabi ng tinaguriang “maleta boys” na kusang-loob nilang ginawa at nilagdaan ang kanilang bagong affidavit matapos umano ang dalawang buwang pag-iisip.
Noong Pebrero 2026, 18 indibidwal na nagpakilalang dating security personnel ni Co ang nagsumite ng affidavit na nagsasabing naghatid sila ng mga maletang may pera kina Marcos, Romualdez, Co, at iba pang personalidad.
Patuloy pang hinihintay ang pahayag ng Office of the Ombudsman at abogado ng mga dating bodyguard na si Atty. Levito Baligod kaugnay sa pagbawi ng mga alegasyon.










