
Naglabas si dating AnaKalusugan party-list Rep. Mike Defensor ng umano’y audio recording ng “surprise witness” na si Orly Guteza, na sinasabing pinipilit umano itong magsinungaling tungkol sa isyu ng pagdadala ng pera na tinawag niyang “basura.”
Sa isang forum, ipinadinig ni Defensor ang audio kung saan kausap umano ni Guteza ang kanyang asawa. Ayon kay Defensor, sinabi rito na pinipilit si Guteza na baguhin ang kanyang affidavit at sabihing wala siyang dinalang pera sa bahay ni Martin Romualdez.
Ipinakita rin ni Defensor ang umano’y reklamo ng Office of the Ombudsman laban kay Romualdez kaugnay ng flood control controversy, kung saan binanggit ang affidavit ni Guteza tungkol sa pagdadala ng mga maleta na may laman umanong pera.
Nanawagan si Defensor kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na bigyan ng proteksyon si Guteza at ang pamilya nito.
Samantala, itinanggi ni Romualdez ang alegasyon at tinawag itong gawa-gawa lamang. Iginiit niya na imposibleng may naideliver na pera sa kanyang bahay dahil ito ay nasa ilalim ng renovation noong panahong binanggit.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Remulla kaugnay sa isyu.










