Nagpasalamat ang babaeng guro sa mga netizen na nagpakita ng paghanga matapos magviral ang video nito sa pag-akyat sa flagpole para palitan ang naputol na lubid ng bandila ng Pilipinas sa paaralan sa Sabtang, Batanes.

Ayon kay teacher Carol Baro Figuro na apat na taon nang nagtuturo sa Savidug Elementary School, hindi niya inakalang magviral ang video nito na palihim na kinunan ng kanyang co-teacher at ini-upload naman sa social media ng kanilang principal.

Paliwanag ni Figuro, nagkusa itong umakyat dahil walang lalaking empleyado sa kanilang paaralan at ayaw rin niyang iasa sa mga estudyante ang paglalagay ng tali dahil delikado ito.

Sa katunayan, pangalawang beses niya na rin inakyat ang dulo ng 18 feet na taas ng flagpole nang unang maputol ang tali ng watawat dahil sa kalumaan nito noong nakaraang taon.