Napigilan ng mga otoridad ang tangkang pagpapakamatay ng isang 40-anyos na babae sa pamamagitan ng pagtalon sa tulay sa bayan ng Lal-lo, Cagayan.

Ayon kay PLT Lilet Lorenzo ng PNP-Lal-lo, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang pulisya ay dalawang nakamotorsiklo ang pumara sa patrol car hinggil sa isang babaeng nakahawak sa railings at nagtangkang tumalon mula sa Magapit bridge.

Sa pamamagitan ng maagap na aksyon at mahinahong pakikipag-usap ng pulisya at dalawang sibilyan ay napigilan ang insidente at matagumpay na naisiguro ang kaligtasan ng babae.

Ang biktima, na tubong Barangay Bical sa nasabing bayan ay agad na isinailalim sa medical check-up bago dinala sa isang behavioral center para sa psychological evaluation.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang babae ay may dati nang may karamdaman sa pag-iisip at wala rin itong binanggit na dahilan kung bakit niya ginawa ang tangkang pagpapakamatay.

-- ADVERTISEMENT --